Sunod-sunod na tanong at babala mula sa mga senator-judge ang hinarap ng unang testigo ng depensa ni Vice President Sara Duterte matapos kuwestiyunin ang hindi nito maalalang detalye ng mga naging biyahe sa China.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial nitong Lunes, Nobyembre 9, tinanong ng House prosecution lawyer na si Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin tungkol sa umano’y all-expenses-paid trip nito sa China noong Nobyembre 2025.
Una nang sinabi ni Adalin na hindi niya talaga maalala kung nakapunta siya sa China, na naging dahilan upang kuwestiyunin ng mga prosekusyon ang kaniyang kredibilidad bilang testigo.
Nang sabihin pa nitong sa tingin niya ay hindi mahalaga ang tanong, agad itong pinuna ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero.
Nilinaw ni Escudero na mahalagang malaman kung hindi talaga maalala ni Adalin ang mismong biyahe o ang eksaktong petsa lamang nito.
Dito sinabi ng testigo na posibleng petsa lamang ang hindi niya matandaan.
Gayunman, hindi pa rin naging malinaw ang kaniyang sagot nang muling tanungin kung nakapunta siya sa China sa panahong tinutukoy ng prosekusyon.
Dahil dito, nagbabala si Senator-judge Vicente “Tito” Sotto III na maaaring hingin sa Bureau of Immigration ang travel records ni Adalin upang matiyak kung naganap ang naturang biyahe.
Binigyang-diin din ni Sotto na may kaugnayan ang tanong sa pagsusuri sa kredibilidad ng testigo.
Mas mariin namang pinagsabihan ni Senator-judge Erwin Tulfo si Adalin matapos mapansin ang kaniyang tila pabago-bagong mga sagot at pagtawa habang sumasagot sa mga tanong.
“Mr. Presiding Officer, para ho tayong niloloko ng testigo na ito,” ani Tulfo.
Pinaalalahanan din niya si Adalin na nasa ilalim ito ng panunumpa at maaaring patawan ng contempt kung hindi seseryosohin ang kaniyang testimonya.
“Kung ginagawa ninyong kengkoy ang inyong testimonya, bawal po iyan. We can cite you for contempt,” babala ng senador.
Samantala, muling binalikan ni Senator-judge Raffy Tulfo ang mga naging biyahe ni Adalin sa ibang bansa at kinuwestiyon kung paano nito natutustusan ang mga naturang paglalakbay batay sa kaniyang posisyon bilang opisyal ng Davao City.
Sa pagpapatuloy ng pagtatanong, kalaunan ay kinumpirma ni Adalin na nakapunta nga siya sa China matapos umano niyang ipasuri sa kaniyang tanggapan ang mga record ng kaniyang biyahe.
Ikinuwento rin niyang kasama niya sa naturang paglalakbay ang ilang opisyal ng Davao City, kabilang ang city engineer, city treasurer, at city administrator.
Iginiit niyang personal na biyahe ang kanilang pagpunta at sila mismo ang sumagot sa kanilang mga gastusin.
Hindi rin nakaligtas sa pagtatanong ni Senator-judge Risa Hontiveros ang isa pang biyahe ni Adalin sa China noong Enero 2026.
Batay sa mga travel record na inilahad ng senadora, dumating umano si Adalin sa Beijing noong Enero 25 at umuwi mula Shanghai noong Enero 30.
Nang tanungin kung nakapunta rin sila sa Beijing, sumagot ang testigo na “parang nakapunta” sila roon.
Hindi napigilan ni Hontiveros na ipahayag ang kaniyang pagkadismaya sa sagot ni Adalin, lalo’t isa itong city assessor na inaasahang may kakayahang tumukoy at umunawa ng mga mapa at lokasyon.
Ipinaliwanag naman ng testigo na hindi siya mahilig bumiyahe kaya hindi niya kabisado ang mga lugar na kanilang pinuntahan.
Dito muling pinuna ng senadora ang kaniyang paliwanag at tinanong kung bakit hindi niya maalala ang mga lugar gayong aktuwal siyang nakapunta sa mga ito.
Sa hiwalay na pagtatanong ng prosecution, nabanggit din na umabot sa 25 araw ang pananatili ng delegasyon sa China mula Enero 5 hanggang Enero 30, 2026.
Kinuwestiyon ni House lead prosecutor Gerville Luistro kung bakit ganoon kahaba ang kanilang pananatili sa ibang bansa at kung sino ang nagpondo sa naturang biyahe.
Ayon kay Luistro, hindi pangkaraniwan ang 25 araw na pananatili kung simpleng pamamasyal lamang ang layunin ng pagpunta sa ibang bansa.
Sa kabila nito, nanindigan si Adalin na personal nilang gastos ang kanilang paglalakbay.
Si Adalin ang unang testigong iniharap ng depensa ni Duterte sa ika-40 araw ng impeachment trial, kung saan layon ng kaniyang testimonya na sagutin ang alegasyon ng prosekusyon tungkol sa umano’y hindi idineklarang ari-arian ng bise presidente sa kaniyang SALN.
Nananatiling nakasentro ang paglilitis sa alegasyon ng unexplained wealth laban kay Duterte.













