-- Advertisements --

Hindi pa umano nakakausap ng House prosecution panel si National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag ukol sa kaniyang pahayag na sisiyasatin ng kaniyang opisina ang naging hosting ng Pilipinas sa 2019 Southeast Asian Games.

Maaalalang naging kontrobersiyal ang naturang pahayag matapos ikagalit nina Sen. Pia at Alan Cayetano dahil sa umano’y mistulang pananakot nito bago ang nakatakdang pagharap ni Director Matibag sa impeachment court sa susunod na linggo.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Philippines kay House panel member at Iloilo Rep. Lorenz Defensor, binigyang-diin niya na bagaman si Matibag ay nasa listahan ng mga testigo ng panel, hindi siya pinapakialaman ng mga prosecutor sa kaniyang kapasidad bilang pinuno ng NBI.

Dagdag pa ni Defensor, hindi kinakausap ng panel ang opisyal ukol sa papel ng NBI na pag-iimbestiga sa iba’t-ibang krimen o isyu ng korapsyon.

Sa halip ay nakapokus lamang ang panel aniya sa papel ng NBI sa inimbestigahang pagbabanta ni VP Sara Duterte noong November 2024, at ang resulta ng kanilang pagsisiyasat.

Si Rep. Defensor ang lead prosecutor sa Article IV ng impeachment complaint laban kay VP Sara.

Sa hiwalay na pahayag ay sinabi ni Director Matibag na hindi niya isinasantabi ang posibilidad na ma-cite in contempt siya sa kaniyang pagharap sa Senate impeachment court.

Ayon sa opisyal, ‘concerned’ siya sa posibilidad na ma-contempt ng korte, lalo na, kasunod ng naunang pahayag ni Senator-Judge Pia at Alan Cayetano sa nagdaang paglilitis.