-- Advertisements --

Naghain ng ethics complaint ang isang grupo ng women’s rights advocates, academics, at feminists laban kay Senator-Judge Pia Cayetano dahil sa umano’y pagbabahagi nito ng isang spliced o inedit na video habang nagsisilbi bilang senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Hiniling ng mga complainant kay Ethics Committee Chair Sen. Vicente “Tito” Sotto III, Chairperson ng Senate Committee on Ethics and Privileges na imbestigahan si Cayetano kaugnay ng naturang social media post.

Ayon sa grupo, nagbigay umano ng maling impresyon ang ibinahaging video na inamin ni House prosecutor at Akbayan Rep. Chel Diokno na isinusulong ang impeachment case laban kay Duterte kahit wala umanong ebidensya.

Iginiit ng coalition na bilang senator-judge, inaasahang mananatiling patas at walang kinikilingan si Cayetano, at dapat umiwas sa anumang hakbang na maaaring magdulot ng pagdududa sa kanyang pagiging impartial sa impeachment proceedings.

Naniniwala rin ang mga nagrereklamo na ang umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon ay maaaring makasira sa integridad ng impeachment trial at sa tiwala ng publiko sa Senado bilang impeachment court.

Nauna nang nilinaw ni Diokno ang konteksto ng pahayag na ayon sa kanya, ang tinutukoy niyang “fishing expedition” ay mangyayari lamang kung naghahanap ng ebidensya ang isang panig nang walang sapat na batayan.

Binigyang-diin ni Diokno na hindi umano nagbabakasakali lamang ang prosecution dahil may nakita silang probable cause batay sa mga record ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay ng bilyun-bilyong pisong dumaan sa mga account ni VP Sara at ng kanyang asawa.

Hinihingi pa ng Bombo Radyo ang panig ni Sen. Pia tungkol sa isyu ngunit wala pa itong tugon sa amin.