Kinuwestiyon ni Senator-Judge Risa Hontiveros ang dating Special Disbursing Officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta tungkol sa isang recipient ng confidential funds na nakapangalan umano bilang “Clarisse Hontiveros.”
Ginawa ni Hontiveros ang clarificatory question sa Senate impeachment trial nitong Lunes, Agosto 24, 2026 kung saan napansin ng senadora ang petsa ng umano’y pagtanggap ng confidential funds ni “Clarisse Hontiveros,” na nakasaad na Pebrero 24, 2023—parehong petsa ng kaniyang kaarawan.
Tinanong niya si Acosta kung ano ang masasabi nito sa naturang pagkakatulad.
Ayon kay Acosta, may mga pangalan ng recipient na dati niyang bini-verify kay dating Vice Presidential Security and Protection Group (VPSG) head Col. Raymund Dante Lachica.
Gayunpaman, sinabi umano ni Lachica na confidential ang naturang impormasyon.
Nilinaw din ni Acosta na hindi niya personal na alam kung may kaugnayan ang pangalan ni “Clarisse Hontiveros” kay Senator Hontiveros o kung bakit Pebrero 24, 2023 ang nakatalang petsa ng pagtanggap nito ng pondo.
Tinanong din ni Sen. Hontiveros si Acosta kung siya lamang ba ang dapat managot sa paggamit ng confidential funds dahil siya ang SDO at tumanggap ng cash advance.
Sumagot si Acosta na bilang SDO, siya ang accountable officer.
Ngunit iginiit ni Hontiveros na may itinalaga ring implementing officer para sa confidential activities at tinanong kung sino ang dapat managot kung hindi maipaliwanag kung saan napunta ang pera.
Ayon kay Acosta, si Lachica ang itinalaga noon ni Vice President Sara Duterte bilang security officer at siyang namamahala sa pagpapatupad ng confidential activities sa field.
Sinabi rin ni Acosta na wala siyang sapat na kaalaman kung paano isinasagawa ang mga confidential activity sa field.
Sa kabila nito, sinabi ni Acosta na bilang SDO, siya ang maaaring managot sakaling mapatunayan na may paglabag sa paggamit ng confidential funds.
Sa huli, sinabi ni Acosta na alam umano ni VP Sara ang mga ginagawa niya kaugnay ng confidential activities.















