-- Advertisements --

Inamin ni House lead prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na nakaramdam siya ng kakulangan sa kanyang pagsagot sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos limitahan sa “yes or no” ang ilan sa kanyang mga tugon sa clarificatory questions nina Sen. Robin Padilla at Sen. Pia Cayetano.

Ayon kay Luistro, bahagi ng normal na proseso ng paglilitis ang pagtatanong ng mga senator-judges, ngunit mahalaga aniya na maipaliwanag ang konteksto ng bawat sagot.

Sa pagdinig, tinanong siya ni Cayetano hinggil sa layunin ng affidavit ni Arturo Lascañas, habang kinuwestiyon naman ni Padilla kung ito ay notarized; nilinaw ng prosecution na iniharap lamang ito upang ipakita ang takbo ng imbestigasyon ng NBI at hindi bilang patunay sa nilalaman.

Dahil dito, naghain si Luistro ng manifestation upang mailagay sa rekord ang kanyang buong paliwanag, kasabay ng paalala ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na ang affidavit ay inialok lamang bilang bahagi ng proseso ng imbestigasyon.

Samantala, iginiit ni Padilla na ang tungkulin ng prosecution ay hindi lamang manalo sa kaso kundi hanapin ang katotohanan, habang ang depensa naman ay dapat tiyakin ang karapatang pantao at balanse ng kapangyarihan, bagay na tinutulan ni Luistro na nagsabing tungkulin ng prosecution na patunayan ang kaso laban sa respondent.