Inihayag ni Senador Erwin Tulfo na pinag-aaralan nila kasama ang mga senador na kaalyado ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian ang posibleng pananagutan ng mga sangkot sa umano’y Blue Ribbon Committee hearing ngayong araw, dahil maaaring may paglabag na usurpation of authority o iligal na pag-angkin ng kapangyarihan.
Ayon kay Tulfo, kung press conference lamang ang aktibidad, saklaw ito ng kalayaan sa pagpapahayag.
Gayunman, kinuwestiyon ng senador ang layunin nito at iginiit na posibleng ito ay may layuning i-destabilize ang pamahalaan at magbato ng panibagong akusasyon laban sa Pangulo at iba pang opisyal.
Binigyang-diin din niya na ang pagtitipon ay hindi opisyal na pagdinig dahil walang committee secretariat na magtatala nito at hindi na maaaring pamunuan nina Senadora Pia Cayetano at Senador Rodante Marcoleta ang Blue Ribbon Committee matapos ideklarang bakante ang lahat ng puwesto nito noong Hunyo 3.
Matatandaan ding si Tulfo ang itinalaga bilang chair ng Senate Blue Ribbon Committee matapos ang reorganisasyon sa Mataas na Kapulungan.
















