Pinuna ni Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo ang mabilis na pagpapatupad ng oil price hike kasunod ng pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado, habang matagal naman umanong naipatutupad ang rollback.
Inilahad ni Tulfo ito sa pagdinig ng Senado kaugnay ng mga usapin sa sektor ng enerhiya, kung saan tinanong niya kung may kapangyarihan ang pamahalaan na tiyaking makatarungan ang pagpepresyo ng mga kumpanya ng langis.
Ayon sa senador, dapat ipaliwanag kung bakit agad na naipatutupad ang dagdag-presyo kahit ang mga produktong ibinebenta pa sa mga gasolinahan ay maaaring nabili sa mas mababang halaga.
Tinanong din niya kung bakit hindi muna maubos ang mas murang stock bago ipatupad ang bagong presyo, at kung paano kinukuwenta ang mga pagbabago sa presyo ng petrolyo.
Bagama’t kinikilala ang market-driven na sistema ng pagpepresyo, iginiit ni Tulfo na dapat ding maprotektahan ang mga mamimili laban sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo.
Kaugnay ito ng mga panukalang repasuhin ang Oil Deregulation Law upang mapalakas ang transparency sa pagpepresyo at ang papel ng pamahalaan sa pagprotekta sa mga konsyumer.















