-- Advertisements --

Inaprubahan na ng House Committee on Energy ang panukalang batas na naglalayong alisin ang system loss charge sa singil sa kuryente.

Sa ilalim ng naturang panukala, layuning hindi na ipasa sa mga konsyumer ang gastusing dulot ng inefficiency at non-technical losses sa sistema ng distribusyon ng kuryente.

Dagdag pa rito, hangad din nitong palawakin ang paggamit ng sariling power generation system sa mga tahanan.

Matatandaang nabanggit ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) bilang isa sa mga prayoridad na nangangailangan ng legislative action upang matugunan ang mataas na singil sa kuryente sa bansa.

Kaugnay nito, bumuo rin ang Department of Energy (DOE) ng isang inter-agency task force upang mapabilis ang pagpaplano at pagsasakatuparan ng layuning ito.

Bukod dito, inaprubahan din sa naturang pagdinig ang hiwalay na panukalang “Sariling Kuryente Act.” Layon nitong padaliin ang paglalagay at paggamit ng solar power at energy storage systems sa mga tahanan upang matulungan ang mga mamamayan na makatipid at mabawasan ang pagdepende sa power grid.

Kapag naipasa at naging ganap na batas, aamyendahan ng mga ito ang Republic Act No. 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).