Nanawagan sina Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ng mas mahigpit na transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan kasunod ng desisyon ng Korte Suprema (SC) na nagtakda ng mga limitasyon sa unprogrammed appropriations.
Bilang co-petitioner sa isa sa mga kasong pinagsama-sama ng SC, sinabi ni De Lima na bagama’t nais nilang tuluyang ipawalang-bisa ang UA, mahalagang hakbang ang pagtatakda ng Korte ng malinaw na limitasyong konstitusyonal upang maiwasan ang pang-aabuso sa pondo ng publiko.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat magsilbing proteksiyon laban sa pananagutan ang doctrine of operatives fact para sa mga mapatutunayang kumilos nang may masamang hangarin.
Samantala, iginiit ni Diokno na dapat malinaw na tukuyin at pondohan ang mga prayoridad na proyekto sa halip na ilagay ang mga ito sa UA, kung saan maaari silang maging bulnerable sa pang-aabuso at korupsiyon.
Nanawagan din siya sa Senado at House of Representatives na tiyaking sumusunod sa desisyon ng SC ang 2027 national budget, mula sa mga natitirang deliberasyon hanggang sa bicameral conference committee.
Kapwa iginiit ng mga mambabatas ang pangangailangang alisin ang mga anyo ng pork barrel at tiyaking ginagamit ang pambansang badyet para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.













