Binigyang diin ng Kataas-taasang Hukuman na hindi maaaring pagsabayin ang ‘senior citizen discount’ sa iba pang uri ng discount.
Ayon sa Korte Suprema, hindi na maaaring humingi ang mga senior citizen ng karagdagang 20% na diskuwento bukod pa sa natanggap nang diskuwento mula sa promosyon o kasunduan.
Pwedeng pumili anila ang mga senior citizen sa pagitan ng diskuwento sa promosyon at ng 20% senior citizen discount sa mga inaaalok na produkto, o serbisyo.
Alinsunod ang naturang paninindigan ng hukuman matapos ipawalang-sala nito ang general manager ng isang hotel sa Bacolod City.
Kinasuhan kasi ito ng paglabag sa Senior Citizens Act dahil sa pagtanggi umanong magbigay ng 20% discount sa mga
panauhin ng hotel na may edad 66 at 70.
Ngunit iginiit ng Korte Suprema, natanggap naman na ng ‘guests’ ang 20% diskuwento sa pamamagitan ng napagkasunduang halaga para sa club kaya’t hindi na obligadong magbigay ng karagdagan pang 20% discount.
Bagama’t layunin ng Senior Citizens Act na protektahan at suportahan ang mga senior citizen, ayon sa hukuman, dapat pa ring maging patas at maktwiran ang pagpapatupad nito para sa mga negosyo.















