Ipinasiya ng Korte Suprema (SC) na hindi maaaring pagsabayin ang diskuwento para sa mga senior citizen at iba pang diskuwentong iniaalok ng mga negosyo.
Ayon sa SC, kung ang mga produkto o serbisyo ay may presyong pang-promosyon, maaaring pumili ang mga senior citizen sa pagitan ng promotional discount at ng 20% diskuwento na nakalaan para sa kanila.
Alinman sa dalawang diskuwento ang maaaring piliin, depende kung alin ang magbibigay sa kanila ng mas malaking matitipid.
Nagsimula ang kaso sa reklamong isinampa laban sa general manager ng isang hotel sa Bacolod City dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 7432 o Senior Citizens Act. Sa inilabas na desisyon, pinawalang-sala ng Korte Suprema ang opisyal ng hotel.
Sa ilalim ng batas, na inamyendahan ng Expanded Senior Citizens Act of 2010, may karapatan ang mga Pilipinong edad 60 pataas sa iba’t ibang benepisyo at pribilehiyo, kabilang ang 20% diskuwento sa mga serbisyo ng mga hotel, restaurant, at recreation center.
Ayon sa Korte Suprema, kinasuhan ang general manager ng hotel dahil sa umano’y pagtangging magbigay ng diskuwento sa dalawang senior citizen.














