-- Advertisements --

Naniniwala si dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) Pres. Egon Cayosa na hindi na maaari pang dalhin o kuwestyunin sa Supreme Court ang naunang ruling ng Senate Impeachment Court sa tuluyang pag-withdraw sa dalawang nauna nang naipresentang impeachment article.

Sa isang panayam kay Cayosa, iginiit niyang isang internal rules ang naturang usapin, at tanging ang mga senator-judge na lamang ang kailangang magdesisyon ukol dito.

Tama rin aniya ang ginawa ng trial presiding officer na agad pagdesisyon sa mosyon ng House Prosecution panel. Karapatan aniya ng impeachment court na dinggin ang lahat ng isyu kaugnay ng impeachment case at hindi na kailangan pang makialam ang SC sa umuusad na paglilitis.

Kasabay nito ay umapela rin ang batikang abogado sa defense o sa mga ‘interested parties’ na tigilan na ang katatakbo sa SC ukol anumang desisyon ng impeachment court.

Ang palaging pagtakbo ng defense sa SC aniya ay mistulang ‘pag-iwas sa boxing’ o pag-iwas na pagharap sa mismong kaso.

Umaasa rin ang abogado na matuto na ang SC sa umuusad na impeachment case.

Binalikan nito ang ginawa ng kataas-taasang hukuman noong nakalipas na taon kung saan ang desisyon nito ang naging basehan ng Senate Impeachment Court upang huwag nang talakayin ang impeachment case at tuluyan itong i-archive.

Marami aniya ang bumatikos noon sa SC, lalo na ang mga ‘nakaka-intindi sa batas’; marami rin ang hindi tumanggap sa desisyon ng korte na makialam pa sa kaso.