-- Advertisements --

Inilahad ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kanilang kumpiyansa na magbubukas ng mga bagong oportunidad para sa pamumuhunan sa Pilipinas ang pakikibahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 32nd Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting.

Ayon kay DFA Spokesperson Angelica Escalona, inaasahan ng ahensya na makakakuha ang Pilipinas ng karagdagang investment commitments mula sa Republic of Korea, lalo na sa larangan ng imprastruktura, teknolohiya, at renewable energy.

Nang tanungin kung maaapektuhan ng mga isyu ng korapsyon sa bansa ang pagsisikap ng Pangulo na makahikayat ng mga mamumuhunan, sinabi ni Escalona na hindi ito nakikitang hadlang.

“Ang nangyayari sa bansa ay bahagi ng demokrasya, at patuloy pa rin ang interes ng mga dayuhang negosyante sa ekonomiya ng Pilipinas,” paliwanag niya.

Binigyang-linaw rin ni Escalona ang ulat kaugnay ng 700-bilyong won na infrastructure loan project mula sa South Korea na umano’y pinigil ni President Lee Jae-Myung. Aniya, tapos na ang isyu at naglabas na ng paglilinaw ang pamahalaan ng Korea. “Sinabi na rin ng Korea na patuloy ang kanilang suporta sa development cooperation sa Pilipinas,” dagdag niya.

Bukod sa mga aktibidad sa summit, nakatakda ring makipagpulong si Pangulong Marcos sa iba’t ibang business leaders at executives sa South Korea upang palawakin pa ang ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa.

Ang APEC Summit ngayong taon ay nakatuon sa kalakalan, digital economy, at regional cooperation, kung saan inaasahang magpapalitan ng pananaw ang mga lider sa harap ng mga hamon sa pandaigdigang ekonomiya.