Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na agarang kumilos kaugnay ng mga pampublikong pag-atake ng Chinese Embassy laban sa mga opisyal ng pamahalaan na nagtatanggol sa posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa isang liham kay DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro, humingi si Hontiveros ng paglilinaw kung ano ang gagawing hakbang ng ahensya upang matiyak na iginagalang ng mga dayuhang embahada ang hangganan ng tamang asal diplomatiko at hindi tinatarget ang mga Pilipinong opisyal, partikular matapos ang pagatake sa internet ng Chinese Embassy laban kay Philippine Coast Guard Commodore Jay Tariela.
Binigyang-diin ng senador na dapat idaan sa pormal na diplomatikong paraan ang mga hindi pagkakaunawaan ng mga estado at hindi sa pampublikong panggigipit laban sa mga indibidwal na opisyal. Aniya, ang pananahimik ng gobyerno sa ganitong mga insidente ay maaaring magbigay-daan sa normalisasyon ng dayuhang pakikialam at makasira sa dignidad ng mga institusyon ng bansa.
Habang iginiit din ni Hontiveros na patuloy na magsasalita ang mga opisyal ng Pilipinas upang ipagtanggol ang soberanya at pambansang interes ng bansa sa kabila ng mga pahayag at kilos ng China sa West Philippine Sea.
















