Kinumpirma ng pamahalaan ng Pilipinas na inaresto ang ilang Filipino nationals dahil sa hinalang nagsagawa ng paniniktik para sa China, sa tinawag na isang “seryosong usapin ng national security.”
Ayon sa National Security Council (NSC), natigil na ang operasyon ng mga indibidwal na umano’y kumikilos sa utos ng Chinese intelligence.
Bagama’t hindi nagbigay ng eksaktong bilang o detalye kung may naihain nang kaso, sinabi ng NSC na umamin na ang mga sangkot sa kanilang partisipasyon sa espionage activities at nakikipagtulungan na sa mga awtoridad. Lahat umano ng nadakip ay mga Pilipino.
Ayon naman sa ilang security sources, hindi bababa sa tatlong indibidwal ang nasasangkot. Isa sa mga akusado ang nagsabing una siyang inalok ng isang kakilalang Filipina na magsulat ng opinion articles kapalit ng bayad habang siya ay junior staffer pa sa Department of National Defense. Kalaunan, lumawak umano ito sa pagbibigay ng impormasyon kaugnay ng West Philippine Sea at ugnayang pangdepensa ng bansa, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa United States.
Aminado ang suspek na hindi niya agad nabatid na para sa interes ng China ang kanyang ginagawa, at nahirapan na siyang umatras dahil nangangailangan siya ng pera. Isinagawa umano niya ang naturang aktibidad mula 2023 hanggang 2025, sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Ph Sea sa pagitan ng Pilipinas at China. (report by Bombo Jai)















