-- Advertisements --

Kinumpirma ng National Security Council na may sensitibong impormasyon kaugnay ng resupply missions ng Pilipinas sa West Philippine Sea ang nakompromiso at naipasa umano sa Chinese intelligence.

Ayon kay NSC spokesperson Cornelio Valencia, limitado ang saklaw ng breach at isinara na ang ginamit na communication channels. Kabilang sa nalantad ang rotation at resupply data na bahagi ng operational security.

Tatlong Pilipino na ang naaresto dahil sa hinalang paniniktik, kabilang ang isa na may koneksiyon umano sa tauhan ng Philippine Coast Guard. Gumamit umano ng cellphone na may nakatagong messaging app upang maipasa ang impormasyon.

Itinanggi naman ng China ang paratang, at sinabing walang malinaw at matibay na ebidensiya sa kaso.

Samantala, isinusulong ngayon ng ilang mambabatas ang pag-amyenda sa umiiral na espionage laws upang masaklaw hindi lamang ang panahon ng digmaan kundi pati ang peacetime at cyber-enabled threats. (report by Bombo Jai)