Pormal nang ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) CALABARZON ang mga titulo ng lupa sa humigit-kumulang 2,134 agrarian reform beneficiaries mula sa anim na lalawigan ng rehiyon.
Isinagawa ang pamamahagi ng mga Certificate of Land Ownership Award (CLOAs) at indibidwal na electronic titles (e-Titles) nitong Huwebes, Nobyembre 19, 2026, sa Lucena City Convention Center.
Sumasaklaw ang nasabing mga titulo sa kabuuang 5,132.0992 ektarya ng lupang sakahan na opisyal nang pagmamay-ari ngayon ng mga benepisyaryong magsasaka.
Ipinatupad ang hakbang na ito sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at Project SPLIT upang mapabilis ang pagbibigay ng indibidwal na titulo at matiyak ang karapatan ng mga magsasaka sa sarili nilang lupa.
Ayon sa kagawaran, ang pagkakaroon ng sariling titulo ay magsisilbing matibay na pundasyon upang mapalakas ang kabuhayan, magbukas ng mas maraming oportunidad, at magbigay ng mas maayos na kinabukasan para sa mga pamilyang magsasaka sa rehiyon.














