Pinangunahan ni Agrarian Reform Secretary Conrado M. Estrella III ang pamamahagi ng 3,744 titulo ng lupa sa 3,601 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, at Zamboanga Sibugay upang matiyak ang seguridad sa pagmamay-ari ng lupa ng mga magsasaka.
Kasabay ng pamamahagi ng mga titulo, ipinagkaloob din ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga bagong Farm-to-Market Roads (FMRs) gayundin ang iba’t ibang Farm Machinery and Equipment (FME) para sa mga benepisyaryo.
Ayon sa ahensya, ang mga proyektong ito sa imprastraktura at kagamitan ay layuning mapabilis ang transportasyon ng mga produktong agrikultural, mapataas ang antas ng produksyon, at mapalakas ang kabuhayan sa rehiyon.
Tampok din sa naging programa ang paglulunsad ng PelikulAgraryo 2026, isang patimpalak na nagbibigay-pugay sa mga kuwento ng tagumpay ng mga ARB at nagbibigay ng plataporma sa mga kabataan upang maipakita ang kanilang talento at pagkamalikhain sa pamamagitan ng paggawa ng pelikula.
Sa pamamagitan ng pinagsamang programa para sa seguridad sa lupa, makabagong kagamitan, at pagkilala sa kultura, patuloy na inihatid ng DAR ang komprehensibong tulong para sa tuluyang pag-unlad ng mga magsasaka at ng kanilang mga pamilya sa Zamboanga Peninsula.














