-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mahalagang papel ng mga thrift banks sa paghikayat sa maliliit na negosyante na gumamit ng electronic payments upang higit na mapakinabangan ang digital banking.

Sa General Membership Meeting ng Chamber of Thrift Banks (CTB), sinabi ni BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan na malaki na ang ambag ng thrift banks sa digital payment ecosystem.

Mula sa mahigit 10 milyon InstaPay transactions noong Enero 2025, umabot ito sa halos 70 milyon pagsapit ng Disyembre, katumbas ng pitong beses na pagtaas sa loob lamang ng isang taon. Gayunman, aminado si Tangonan na hindi pa pantay ang partisipasyon ng thrift banks sa kabuuang sistema.

Sa usapin naman ng QRPH merchant payments na mahalaga para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs), 13% lamang ng system participants ang mula sa thrift banks.

Dahil dito, mas hinimok pa niya ang mga thrift bank na hikayatin ang mas marami pang MSME clients na gumamit ng digital payments, lalo na bilang mga tumatanggap ng bayad o merchants.

“We are pleased to note that thrift banks are already playing a meaningful role in the digital payment ecosystem. And the numbers are striking,” wika ng opisyal.

Samantala, iniulat din ni CTB President Jaime Valentin Araneta na umabot sa P1.38 trilyon ang kabuuang assets ng thrift banking industry hanggang Disyembre 31, 2025, mas mataas ng 25% kumpara noong nakaraang taon.

Ayon kay Araneta, nananatiling matatag at patuloy na lumalago ang mga thrift bank. Ngunit sa gitna ng mabilis na digital transformation at pagbabago sa regulasyon, kailangan aniyang maging handa at aktibo ang sektor sa pagtugon sa mga hamon at oportunidad ng digital banking.

Kinakatawan ng CTB ang 36 thrift banks at mahigit 3,000 sangay sa buong bansa.

Isa ang Queen City Development Bank, bahagi ng Florete Group of Companies, na proud founding member ng Chamber of Thrift Banks.