-- Advertisements --

Patuloy na nagtitiwala pa rin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.

Ayon sa Malacañang, nananatili ang tiwala ng Pangulo sa kabila ng mga batikos at kontrobersiyang kinakaharap ng kalihim kaugnay ng mga naging isyu sa hindi umano pag-aresto kay Sen. Bato dela Rosa, ang hindi tamang impormasyon kaugnay sa puganteng si dating congressman Zaldy Co at sa Interpol red notice.

Nilinaw ni Presidential Communications Office (PCO) USec. Claire Castro na sa kanilang mga huling pagpupulong, wala silang nakitang indikasyon na nawalan ng kumpiyansa ang Pangulo sa kalihim.

Wala rin aniya silang natatanggap na impormasyon hinggil sa usap-usapan na si dating Senador Antonio Trillanes IV o dating Interior Secretary Benhur Abalos ang ipapalit kay Remulla bilang kalihim ng DILG.

Nauna naman ng humingi ng tawad si Remulla sa maling pahayag hinggil sa kaso ni Zaldy Co habang nilinaw naman ng kalihim na ang kaniyang presensiya sa Senado matapos ang naganap na shooting incident ay para i-secure ang kaligtasan ng mga Senador at ng institusyon at hindi para arestuhin si Sen. dela Rosa.