-- Advertisements --

Personal na dumating ngayong araw si Vice President Sara Duterte sa Quezon City Hall of Justice para harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya. 

Tatlong minuto bago mag-a las otso y’ media ng umaga nang tumungo ang bise presidente sa Branch 98 ng Quezon City Regional Trial Court upang siya’y basahan ng sakdal. 

Ngunit matapos ang higit kalahating oras lamang ay bumaba na kaagad ito mula nang magpakita sa hukuman para sa mga kasong kinakaharap. 

Bagama’t personal na nagtungo sa korte, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Paul Lawrence Lim, hindi natuloy ang dapat sanang ‘arraignment’ ngayong araw. 

Paliwanag niya’y mayroon pa kasi silang nakabinbin ‘motion for partial reconsideration ad cautelam’ sa naturang korte at ‘petition for certiorari’ naman sa Korte Suprema. 

Dahil dito, minabuting ipagpaliban muna ng hukom ang pagdinig at i-reset ang skedyul ng ‘arraignment’ ni Vice President Sara Duterte. 

Ayon sa abogado, ang inihain ‘motion for partial reconsideration’ ay nakapokus sa ibinasurang kahilingan ng bise presidente na mag-inhibit ang ‘presiding judge’ na may hawak sa kanyang kaso. 

Sa kabila nito, nagpaabot pa rin ng pasasalamat si Vice President Sara Duterte sa kanyang mga tagasuporta matapos personal magtungo sa korte. 

Kinakaharap ng ikalawang pangulo ang tatlong bilang ng kasong ‘grave threats’ kaugnay sa pagbabantang binitawan sa buhay nina Pres. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, first lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.