Sinaksihan ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon S. Garin ang ceremonial signing ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng National Power Corporation (NAPOCOR) at Sulu Electric Cooperative, Inc. (SULECO) upang patatagin ang serbisyo ng kuryente sa lalawigan ng Sulu.
Sa ilalim ng kasunduan, babayaran ng SULECO ang kanilang mga nakabinbing obligasyon sa pamamagitan ng 24-year graduated payment scheme nang walang anumang interes.
Layunin ng hakbang na ito na mapagaan ang pasaning pinansyal ng kooperatiba upang tuloy-tuloy na makapaghatid ng kuryente sa mahigit 42,000 kabahayan sa anim na munisipalidad at 204 barangay sa Sulu.
Kinilala rin ni Garin ang gumagandang operasyon ng SULECO, partikular ang regular na pagbabayad ng buwanang power bills, mas mataas na collection efficiency, at pagbaba ng system losses.
Binigyang-diin ng DOE na patunay ang kasunduang ito sa kahalagahan ng mga reporma at pagtutulungan ng mga institusyon upang mapanatili ang maaasahang suplay ng kuryente, lalo na sa mga off-grid at island communities.













