Natuklasan sa isang kargamento sa North Harbor subport sa Manila ang 320 kahon ng umano’y smuggled cigarettes na may tinatayang market value na ₱29.17 milyon.
Batay sa isinagawang operasyon ng Bureau of Customs (BOC) kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Biyernes, Oktubre 9, dalawang 1×20 container na nagmula sa Zamboanga ang nakadeklara bilang scrap metal nang isinailalim ito sa isang spot checking.
Dito napag-alaman ng mga awtoridad na hindi tugma ang deklaradong laman ng kargamento. Isang container ang naglalaman ng mga ilegal na sigarilyo, habang ang isa naman ay may kargang white cigarette filters sa loob ng kahong may Chinese markings.
Nasa ₱9.6 milyon ang import value ng ipinuslit na sigarilyo ngunit umaabot naman sa ₱29.17 milyon ang market value nito.
Saad naman ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, hindi aniya uubra ang modus ng maling deklarasyon ng mga kargamento para makapagpuslit ng mga illegal na produkto.
Dagdag pa nito, mas paiigtingin ng ahensiya ang pagbabantay sa mga bagaheng pumapasok sa bansa upang masiguradong umaayon ito sa batas.
“Malinaw ang ating paninindigan: hindi magiging daan ang maling deklarasyon para makalusot ang mga iligal na produkto. Patuloy nating paiigtingin ang ating inspections, intelligence operations, at pakikipag-ugnayan sa ating mga partner agencies upang maprotektahan ang revenue ng pamahalaan at ang lehitimong kalakalan,” aniya.
















