Inilatag ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Charlito Martin R. Mendoza ang kanyang mga pangunahing prayoridad para sa mas malakas na koleksyon ng buwis, mas pinaigting na kampanya laban sa smuggling, at pagpapahalaga sa mga empleyado batay sa merito sa kanyang unang flag-raising ceremony kasama ang mga opisyal at kawani ng BOC Central Office at Port of Manila noong Nobyembre 23, 2026.
Binigyang-diin ni Mendoza na dapat laging magkasabay ang mahigpit na pagpapatupad ng batas at ang kapakanan ng mga kawani ng ahensya.
Idineklara ng opisyal na ang promosyon, designasyon, at pagtanggap ng mga bagong empleyado ay ibabatay sa aktwal na kakayahan at pagtatrabaho, at hindi sa koneksyon.
Sa usapin ng pagbabantay sa mga hangganan ng bansa, muling nagbabala si Mendoza laban sa pagpapapasok ng mga iligal na produktong agrikultural.
Iginiit niya na kinakailangang maging mapagmatyag ang mga tauhan at paigtingin ang laban sa smuggling, lalong-lalo na sa agricultural smuggling.
Nanawagan din ang pinuno ng BOC para sa pagputol ng red tape, pagpapasimple ng mga proseso sa adwana, pagbabawas ng mga dokumentong hinihingi, at paglilinaw sa mga patakaran upang maging mas tiyak ang transaksyon para sa mga negosyante at mamumuhunan.
Ipinaliwanag ni Mendoza na kayang sumunod ng mga negosyante at investor kahit sa mahihirap na rekisito, ngunit ang talagang nagpapahirap sa kanila ay ang mga pabago-bago at hindi tiyak na patakaran.
Samantala, nagpahayag ng kumpiyansa si Mendoza na malalampasan ng ahensya ang P1-trilyong marka sa koleksyon ngayong 2026 habang naghahanda para sa mas mataas na target na P1.074 trilyon sa 2027.
Sinabi niya na dahil sa husay ng mga kawani ay kakayanin nila ang nasabing target basta’t sama-sama silang gagawa ng mabuti.
Dagdag pa niya, hindi dapat dungisan ang pangalan ng ahensya at kasama nila siya sa pagharap sa hamong ito.
Sa parehong seremonya, binuksan din ni Mendoza ang pakikiisa ng BOC sa 18-Day Campaign to End Violence Against Women kung saan nanawagan siya ng ligtas at magalang na lugar-paggawa na may patas na pagtrato at pantay na oportunidad para sa kababaihan.
Pormal na nanungkulan si Mendoza bilang pinuno ng BOC noong Nobyembre 19, 2026 matapos siyang manumpa sa tungkulin kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Nobyembre 13, 2026.















