-- Advertisements --

Tinanggap ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Charlito Martin R. Mendoza ang kaniyang bagong tungkulin bilang pinuno ng Bureau of Customs (BOC) matapos siyang italaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa isang opisyal na pahayag nitong Nobyembre 12, 2026, nagpasalamat si Mendoza sa Pangulo sa ibinigay na tiwala gayundin sa mga kawani ng BIR na nakasama niya sa pagsusulong ng long-term digital transformation ng ahensya sa nakalipas na taon.

Hinimok din niya ang mga opisyal at empleyado ng BIR na ibigay ang kanilang buong suporta sa papasok na si Commissioner Rolando T. Ligon, Jr. upang maipagpatuloy ang mga proyektong pang-modernisasyon sa buwis, kasabay ng pasasalamat kay Finance Secretary Frederick D. Go sa paggabay nito.

Kinilala naman ni Mendoza ang mga repormang sinimulan ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa BOC at nangakong ipagpapatuloy at palalawakin pa ang mga nasimulang hakbang sa kawanihan.

Tiniyak ng bagong pinuno ng BOC na nakahanda na siyang makipagtulungan sa mga kawani ng ahensya upang palakasin ang border protection, mapanatili ang mataas na koleksyon ng kita, at mapabilis ang lehitimong kalakalan alinsunod sa mga prayoridad nina Pangulong Marcos at Kalihim Go.