Nakapagtala ng double-digit na paglago sa koleksyon ng buwis ang Bureau of Internal Revenue (BIR) nitong Setyembre 2026 matapos umabot sa P203.581 bilyon ang gross collections ng ahensya.
Mas mataas ito ng P20.056 bilyon o 10.93 porsyento kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon batay sa paunang datos ng kawanihan.
Iniuugnay ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza ang magandang performance sa boluntaryong pagbabayad ng buwis ng publiko at sa pinaigting na tulong ng mga regional at support units ng BIR.
Dahil dito, umabot na sa kabuuang P2.465 trilyon ang nakolektang buwis ng BIR sa unang siyam na buwan ng 2026, na mas mataas ng 5.58 porsyento kumpara sa parehong panahon noong 2025.
Sinabi ni Mendoza na malaki ang naging tulong ng mga reporma sa ilalim ng BIR DARES agenda, tulad ng Taxpayer Portal at mga BIR C.H.A.T. activities, upang gawing mas mabilis at mas magaan ang pagbabayad ng buwis.
Dagdag pa ng komisyunaryo, ang mga programang ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Finance Secretary Frederick D. Go na ilapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan at maglatag ng mas magandang kapaligiran para sa mga negosyo.













