-- Advertisements --

Nasamsam ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang 15.036 kilo ng hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng P89.16 milyon mula sa 12 abandonadong parcel sa isang warehouse sa Pasay City noong Nobyembre 6, 2026.

Nagmula sa Thailand, India, United States at Netherlands ang mga parcel. Kabilang sa mga nakumpiska ang 11.241 kilo ng hinihinalang shabu, 1.563 kilo ng marijuana kush at 2.232 kilo ng ketamine. Nakatago ang mga ito sa mga damit, pagkain, lalagyan at iba pang gamit.

Pinangunahan ng BOC-NAIA ang operasyon katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang ahensya.

Binigyang-diin ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang kahalagahan ng masusing pagsusuri sa lahat ng padala, kabilang ang mga abandonadong parcel, upang mapigilan ang pagpupuslit ng ilegal na droga.

Isinumite na sa PDEA Laboratory Service ang mga nakumpiska para sa pagsusuri at kumpirmasyon. Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang mga posibleng sangkot at maisampa ang kaukulang kaso.