-- Advertisements --

Nasamsam ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang 2.48 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P16 milyong piso sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Iloilo City at Zamboanga Sibugay noong Nobyembre 10 at 11. Dalawang indibidwal ang naaresto sa mga nasabing operasyon.

Sa Iloilo City, isang 28-anyos na indibidwal na itinuturing na high-value target ang naaresto sa isang buy-bust operation sa Barangay San Isidro, Jaro, noong Nobyembre 10. Nakumpiska mula sa suspek ang humigit-kumulang 153 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P1 milyong piso, kasama ang buy-bust money at iba pang ebidensya.

Samantala, isa pang indibidwal ang naaresto sa isinagawang operasyon sa Barangay Poblacion, Ipil, Zamboanga Sibugay, madaling-araw ng Nobyembre 11. Nasamsam naman dito ang tinatayang 2,330 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P15,844,000, bukod pa sa buy-bust money at iba pang ebidensya.