Personal na bumisita si Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia sa Lungsod ng Legazpi sa lalawigan ng Albay upang pangunahan ang voters registration sa isang unibersidad sa lungsod.
Nagsimula nitong Lunes, Nobyembre 10, ang muling pagbubukas ng pagpaparehistro ng mga botante para sa nalalapit na 2028 National Elections.
Sa kaniyang pahayag, binigyang-diin ng opisyal ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kabataan sa pagpili ng mga bagong pinuno ng bansa.
Ayon kay Garcia, sa tinatayang 71 milyong botante sa Pilipinas, humigit-kumulang 45 milyon sa mga ito ay mga kabataan—at inaasahang mas tataas pa ang naturang bilang habang nagpapatuloy ang registration sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nagpahayag din ng kumpiyansa ang puno ng COMELEC na mauulit ang mataas na partisipasyon ng publiko noong 2025 elections, kung saan nakapagtala ng 81.65% voter turnout, at inaasahang mas malaking porsyento ng mga kabataan ang makikibahagi sa 2028 halalan.
Dahil dito, masidhing hinimok ni Garcia ang mga kabataan na magparehistro at gamitin ang kanilang karapatang bumoto upang mailuklok sa posisyon ang mga karapat-dapat at tamang lider ng bansa.













