-- Advertisements --

Inanunsyo ng homegrown fintech platform na Manny Pay ang nakatakdang opisyal na paglulunsad ng Manny Pay Version 2 sa Disyembre 17, 2026, na naglalayong mas mapalawak at mas mapabilis ang abot-kayang digital financial services para sa mga MSME at ordinaryong Pilipino.

Sa ilalim ng pamamahala ng 7th Pillar Integrated System Corp., pormal na ring bumaba bilang Chairman si dating Senator at ngayon ay National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary at Lead Convenor Manny Pacquiao.

Bilang pagsunod sa ethics rules at conflict-of-interest guidelines ng pamahalaan, tuluyan nang binitawan at ini-divest ng Pambansang Kamao ang lahat ng kaniyang shares at financial stake sa kumpanya.

Para bigyang-daan ang upgraded infrastructure, opisyal nang nagtapos ang serbisyo ng Manny Pay Version 1 e-wallet noong Martes, Nobyembre 10. Upang makasigurong ligtas ang pondo ng mga user, awtomatikong inilipat ang lahat ng natitirang balance sa Traxion Pay accounts simula ngayong Nobyembre 11, na agad ma-a-access sa pamamagitan ng pag-download ng Traxion Pay app.

Samantala, nilinaw ng kumpanya na tuloy-tuloy at walang abala ang Payment Gateway Services ng Manny Pay para sa mga partner merchant at online business owners.

Ayon kay 7th Pillar Integrated System Corp President at CEO Marc Hussein Bundalian, binuo ang Manny Pay sa layuning gawing mas madali at ligtas ang digital transactions para sa bawat Pilipino at mga umuusbong na negosyo.

Nagpaalala rin ang pamunuan ng Manny Pay at Traxion Pay sa publiko na mag-ingat sa mga scammer at phishing activities, at iginiit na kailanman ay hindi sila hihingi ng MPIN, One-Time Password (OTP), o account passwords ng mga user.