Nasa advanced talks na ang kampo ni Eight Division World Boxing Champion Manny Pacquiao para sa isang potensyal na laban bago matapos ang taong 2026 laban sa hindi pa natatalong four-division world champion na si Shakur Stevenson.
Naisipan ng panig ni Pacquiao na humanap ng ibang katunggali ngayong taon matapos ma-postpone at maitakda sa Enero 2027 ang kanyang inaabangang rematch laban kay Floyd Mayweather Jr.
Ayon sa MP Promotions, pinag-aaralan pa ng dalawang kampo ang mga detalye ng posibleng bakbakan kabilang na ang eksaktong timbang na paglalabanan ng dalawang boksingero.
Si Stevenson, na kasalukuyang nagmamay-ari ng WBO at The Ring titles sa junior welterweight class, ay kilala sa kanyang bilis, slick footwork, at matinding depensa sa loob ng ring.
Itinuturing ang planong laban bilang isang kapana-panabik na tapatan ng karanasan at kabataan sa pagitan ng 47-anyos na hall of famer at ng 29-anyos na undefeated American star.
Bagaman wala pang pormal na kontratang napipirmahan, umaasa ang mga tagahanga na matutuloy ang makasaysayang bakbakan bago magtapos ang taon.
















