-- Advertisements --

Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posible pang magkaroon ng panibagong pagsabog o explosive eruption ang Bulkang Mayon sa Albay.

Ayon kay PHIVOLCS Mayon Observatory Resident Volcanologist Doreen Abelinde, patuloy na namamaga ang ilang bahagi ng bulkan batay sa kanilang huling pagsusuri.

Nakapagtala rin ng mataas na sulfur dioxide emission ang kawanihan na malinaw na nagpapahiwatig ng presensya ng magma sa mababaw na bahagi ng Mayon.

Ipinaliwanag ng opisyal na bago ang kasalukuyang kilos ng bulkan kaya hindi ito ganap na matukoy gamit ang mga instrumento at kulang din sa mga senyales o precursor bago sumabog.

Idinagdag pa ni Abelinde na ang naganap na effusive eruption kamakailan ay mas mahina kumpara sa explosive eruption na mas bayolente ang idinudulot na pag-alburuto.

Dahil sa panibagong aktibidad na ito, itinaas na ang antas ng bulkan sa Alert Level 3 habang ipinag-uutos ang paglikas ng mga residente sa loob ng 6-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ).

Nagbabala rin ang mga awtoridad sa mga karatig-komunidad hinggil sa matinding banta ng ashfall, rockfall events, at mga mapanganib na pyroclastic density currents o uson.