-- Advertisements --

Sinagot ng Department of Energy (DOE) ang pahayag ng isang souvenir shop na gumawa ng mga item para sa ASEAN sa bansa, matapos nitong ireklamo sa social media ang umano’y pagkaantala ng bayad at kawalan ng downpayment.

Ayon sa nagrereklamong negosyante, umabot na sa isang buwan ang transaksyon at nahihirapan silang singilin ang ahensya, na direktang nakaaapekto sa kanilang negosyo at sa mga komunidad na kanilang sinusuportahan ngayong Pasko.

Depensa naman ng DOE, nanatili silang bukas at regular na nakipag-ugnayan sa supplier sa loob ng napagkasunduang 30-working-day processing period na nakasaad sa kanilang Terms of Reference.

Ipinabatid din ng ahensya na nang bumisita ang supplier sa kanilang tanggapan noong Oktubre 29, 2026, ay agad silang binigyan ng update at tiniyak na mahigpit na mino-monitor ang pagproseso ng kanilang kabayaran.

Kasunod nito, inanunsyo ng DOE na natapos na nila ang pagproseso ng bayad at naihatid na ang tseke sa supplier noong Oktubre 30, 2026, na mas maaga kaysa sa itinakdang deadline.