-- Advertisements --

Nagsasagawa ng isang buwang programa sa pagsasanay ang Department of Tourism (DOT) para sa mga frontliner bilang paghahanda sa pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit and Related Meetings sa Nobyembre.

Nakasandig ang programa sa Filipino Brand of Service Excellence (FBSE) upang ihanda ang mga kalahok na magsilbing liaison officers, information officers, at ushers sa mga itinalagang venue, hotel, at paliparan.

Ayon sa DOT, umabot na sa 244 kalahok mula sa pitong batch ang kanilang naasanay simula noong Oktubre 19.

Dinisenyo ni DOT Assistant Secretary Ma. Christina G. Aquino ang kurikulum kabilang ang mga kilalang eksperto bilang tagapagsalita upang magturo ng mga pamantayan sa diplomasya at serbisyo.

Isasailalim din ang mga kalahok sa mga stress test, panel interview, at site inspection upang matiyak ang kanilang kahandaan bago ideploy sa mga itinalagang pwesto.

Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, layunin nitong maipakita ang pinakamahusay na Filipino hospitality at mag-iwan ng magandang impresyon sa mga internasyonal na delegado.