Hindi napigilang magpahayag ng pagkadismaya si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon matapos matuklasang hindi pa rin pormal na naitatalaga sa New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) ang mga CCTV system sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Nalaman ito ni Dizon sa isinagawang inspeksyon sa paliparan kasunod ng napaulat na insidente ng pagnanakaw sa naturang terminal.
Ayon kay Dizon, tila nagpapasahan ng responsibilidad ang Manila International Airport Authority (MIAA) at NNIC nang hingan ng paliwanag kaugnay sa hindi pa natatapos na paglilipat ng mga CCTV.
Halos dalawang taon na umano ang inaabot ng proseso kaya binigyan niya ang MIAA hanggang Nobyembre upang tuluyang ma-turn over ang lahat ng kinakailangang sistema sa NNIC.
Nagbabala rin ang kalihim na maaaring masibak sa puwesto ang mga responsable kapag hindi ito natapos sa itinakdang panahon.
Iniutos din ni Dizon ang pagdaragdag ng mga CCTV camera sa NAIA Terminal 1 upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.














