-- Advertisements --

Muling pinaalalahanan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga magtutungo sa sementeryo na maghihigpit ang mga kapulisan sa mga bibisita sa sementeryo na may dalang mga ipinagbabawal na kagamitan.

Sinabi ni NCRPO officer-in-charge PBrig. General Christopher Abrahano, na bawat pasukan at labasan ng mga sementeryo sa Metro Manila ay mayroong nakabantay na mga kapulisan para mag-inspect at tingnan kung may ipinapasok na mga iligal sa mga sementeryo.

Ilan sa mga tinukoy nito na ipinagbabawal ay mga nakakalasing na inumin, baril, kutsilyo, nakakasunog na mga likido gaya ng paint thinner, iligal na droga, baraha at iba pa.

Mag-iikot ang mga kapulisan sa loob ng mga sementeryo kasama nila ang ilang mga force multipliers.

Ilan din sa bilin ni Abrahano sa mga kapulisan ay hindi lamang sa sementeryo umikot at maging sa mga iniwang bahay at mga lugar na kadalasang pinupuntahan ng mga tao pagkatapos dumalaw sa mga sementeryo sa Nobyembre 1 at 2.