Nagbabala ang Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko laban sa iba’t ibang uri ng online scam sa inaasahang pagdami ng online transactions ngayong holiday season.
Ayon kay PNP-ACG spokesperson Police Lieutenant Colonel Zyrah Joy Cabal, karaniwang ginagamit ng mga scammer ang pekeng promos, kunwaring panalo at delivery scams upang makapanloko. Pinayuhan niya ang publiko na huwag basta mag-click ng mga link na ipinapadala sa text at tiyaking lehitimo ang mga website at account bago magpadala ng pera.
Hinimok din ang mga nabiktima na agad magsumbong sa Anti-Cybercrime Group at magdala ng ebidensya gaya ng screenshots ng usapan, resibo ng bayad, pangalan ng account, contact number at link ng profile ng scammer.
Binigyang-diin ni Cabal na hindi dapat ikahiya ang pagsasampa ng reklamo upang maprotektahan ang perang pinaghirapan ng publiko ngayong Pasko.














