-- Advertisements --

Patuloy na iniimbestigahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tatlong kuwestiyonableng flood control project sa Taguig City matapos matuklasang sa Leyte nakalagay ang mga geotagged coordinates ng mga ito.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, kabilang dito ang isang proyekto noong 2022 na nakuha ng St. Timothy Construction, isang kumpanyang konektado sa mag-asawang Discaya.

Ito ang paglilinaw ng kalihim kasunod ng pagkuwestiyon ni Senador Panfilo Lacson sa nauna niyang pahayag na walang natukoy na ghost project sa Taguig City.

Ipinaliwanag ni Dizon na ang tinutukoy niya ay ang 10 kumpirmadong ghost project sa buong bansa, na hindi pa kabilang ang mga iniimbestigahang proyekto sa Taguig.

Aniya, naisumite na rin sa Office of the Ombudsman ang ulat hinggil sa mga nasabing proyekto.

Gayunman, kailangan pa umanong suriin ang mga dokumento at magsagawa ng aktuwal na inspeksiyon upang matukoy kung talagang umiiral ang mga ito.

Tiniyak naman ni Dizon na hindi limitado sa ilang lugar ang kanilang imbestigasyon at lahat ng reklamo hinggil sa mga maanomalyang proyekto ay kanilang susuriin, anuman ang lugar o mga taong sangkot.