-- Advertisements --

Humiling ang Bureau of Customs sa Department of Justice ng immigration lookout bulletin order laban sa 13 katao na nahaharap sa criminal complaints kaugnay ng umano’y agricultural smuggling.

Layunin nitong mamonitor ang kanilang international travel habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Kabilang sa mga tinukoy ang owner at mga kinatawan ng importer, isang customs broker, at siyam na BOC officials at empleyado na umano’y konektado sa shipments.

Ayon sa BOC, maaari pang madagdagan ang listahan kung may iba pang matukoy na sangkot.

Nag-ugat ang kaso sa shipments na dumating noong Hunyo 2025 at idineklarang “Chicken lollipops,” ngunit naglalaman umano ng 15,029 sako ng puting sibuyas at 2,164 kahon ng carrots.

Wala rin umanong kinakailangang sanitary and phytosanitary import clearance ang mga produkto.

Binigyang-diin ng Bureau of Immigration na ang ilbo ay para sa travel monitoring at hindi awtomatikong nagbabawal sa isang tao na umalis ng bansa.

Sinabi ng BOC na gagamitin nito ang lahat ng legal na hakbang laban sa sinumang mapatutunayang sangkot sa umano’y smuggling scheme.