Muling isinuspinde ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pangongolekta ng excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at gaas (kerosene) simula ngayong Setyembre 28, 2026 sa pamamagitan ng Revenue Memorandum Circular No. 100-2026.
Ang naturang hakbang ay alinsunod sa Executive Order No. 125 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Setyembre 25 sa ilalim ng Republic Act No. 12316 upang magbigay ng pansamantalang ginhawa sa mga mamimili.
Paliwanag ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, ipinatupad ang suspensyon matapos kumpirmahin ng Department of Energy na umabot sa US$99.41 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil mula Agosto 13 hanggang Setyembre 11, na lumampas sa US$80 threshold ng batas.
Sa ilalim ng bagong utos, ganap na sarado ang excise tax sa LPG—liban na lamang kung gagamitin ito bilang raw material sa petrokimikal o pampatakbo ng sasakyan—at buong isinuspinde rin ang buwis sa gaas maliban kung gagamiting panggatong sa eroplano.
Awtomatikong magbabalik ang regular na singil sa buwis kapag bumaba muli sa US$80 kada bariles ang presyo ng langis sa loob ng isang linggo matapos ang sertipikasyon ng DOE, o kaya naman paglipas ng tatlong buwan mula sa pagiging epektibo ng kautusan.
Magugunitang unang nagpatupad ang BIR ng kaparehong suspensyon noong Abril 17 ngunit binawi ito noong Hulyo 8 nang muling bumaba ang pandaigdigang presyo ng petrolyo.
















