-- Advertisements --

Pinagtibay ng Commission on Elections (COMELEC) ang Nobyembre 28 bilang petsa ng special election sa Batanes upang punan ang nabakanteng puwesto sa Kamara kasunod ng pagpanaw ni Congressman Ciriaco Gato Jr.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, naglaan na rin ang komisyon ng Php 10M para sa naturang halalan, na kukunin mula sa kanilang savings o sa pamamagitan ng realignment kung kinakailangan.

Gayunman, aminado si Garcia na malaking hamon sa kanilang paghahanda ang posibleng pananalasa ng mga bagyo sa Batanes pagsapit ng Nobyembre.

Partikular na pinoproblema ng komisyon ang pagdadala ng mga election materials sa iba’t ibang isla, gayundin ang pagsasama-sama ng mga resulta para sa provincial canvassing.

Inaasahan namang mahigit 13,000 rehistradong botante ang lalahok sa special election, na gagamit ng manual voting system.