Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) na magiging mas accessible sa publiko ang proseso ng voters registration, partikular para sa mga senior citizen at persons with disabilities o PWDs.
Ito ay kasunod ng insidenteng naitala sa COMELEC Office sa General Santos City kung saan isang matanda ang nahirapang umakyat ng hagdan upang makapagparehistro.
Sa mensaheng ipinadala ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia sa Bombo Radyo Philippines, sinabi nitong agad na pinagsabihan ang election officer sa naturang tanggapan at naglabas na rin sila ng paalala sa lahat ng election offices sa bansa.
Kabilang sa mga direktiba ang paglalagay ng registration machine sa ground floor upang hindi na mahirapan ang mga aplikante sa pag-access ng serbisyo.
Maaari namang magdagdag ng registration machine sa mga itaas na palapag kung kinakailangan, lalo na sa mga lugar na maraming nagpaparehistro.
Humingi na rin ng paumanhin ang election officer sa General Santos City kaugnay ng nangyaring insidente.














