Ipinag-utos ng Department of Transportation o DOTr sa ilang bus terminal sa Maynila na ayusin ang mga nakitang kakulangan sa kanilang pasilidad kasunod ng inspeksyon ni Transportation Secretary Vince Dizon ngayong Miyerkules, Oktubre 28, bago ang inaasahang dagsa ng mga pasahero ngayong Undas.
Unang ininspeksyon ni Dizon ang Ohayami Trans sa Sampaloc, Maynila, kung saan nakita ang maliliit na palikuran, kawalan ng toilet sa CR ng mga lalaki at limitadong waiting area.
Sumunod na pinuntahan ng kalihim ang GV Florida Terminal, kung saan ipinag-utos niyang dagdagan ang mga electric fan at ayusin ang ticket kiosk upang maging mas maayos at mabilis ang serbisyo sa mga pasahero.
Sa Victory Liner Terminal naman, napansin ang kawalan ng tubig sa mga palikuran at mga sirang toilet flush, bukod pa sa maliit na waiting area.
Dahil dito, maglalabas ang DOTr ng show cause order laban sa Ohayami Trans at Victory Liner upang pagpaliwanagin ang mga ito sa mga nakitang kakulangan.
Bibigyan ang dalawang terminal ng 60 araw para sumunod sa mga pamantayan ng ahensya. Babala ni Dizon, maaari silang ipasara kapag hindi naitama ang mga paglabag sa itinakdang panahon.
Gayunman, hindi muna ipatitigil ang operasyon ng mga terminal ngayong Undas upang matiyak na may sapat na masasakyan ang mga pasaherong uuwi sa kanilang mga probinsya.
Binigyang-diin ni Dizon na kailangang tiyakin ng mga bus operator ang kalinisan ng mga terminal, maayos na palikuran, sapat na bentilasyon at komportableng waiting area.
Paalala naman sa mga biyahero na bumili na ng tiket bago ang araw ng kanilang biyahe, dumating nang mas maaga sa terminal at tiyaking tama ang detalye ng booking upang maiwasan ang aberya sa kanilang pag-uwi ngayong Undas.














