Bilang paghahanda sa pagdagsa ng byahe sa nalalapit na Undas, ikinasa ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) ang programa nitong Byahe Arangkada magmula sa darating na Huwebes, Oktubre 29, hanggang Nobyembre 3 ng Martes.
Ito’y para matugunan ang inaasahang pagdami ng bilang ng mga motorista kaugnay ng paggunita sa All Saints’ Day sa Nobyembre 1 at All Souls’ Day sa Nobyembre 2 pauwi sa kani-kanilang mga probinsya.
Ayon sa MPTC, inaasahang papalo sa karagdagang 5% ang pagbigat ng daloy trapiko sa kabuuan na may inaasahang 12% na bugso pagpatak ng Oktubre 30-31 sa mga expressway nito tulad ng North Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX), NLEX Connector, Cavite-Laguna Expressway (CALAX), maging ang Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX).
Kaugnay nito, inilunsad naman ng MPTC ang ilang mga serbisyo sa mga expressway nito tulad ng:
- 24/7 na customer assistance sa pamamagitan ng kanilang hotline 1-35000
- Medical unit na nakaantabay sa oras ng mga aksidente
- Libreng towing services tungong pinakamalapit na exit para a Class 1 vehicles (at Class 1M sa CCLEX) mula 6 a.m. ng Oktubre 30 hanggang 6 a.m. ng Nobyembre 3
- Libre at 24/7 basic mechanical services sa ilang mga NLEX at SCTEX rest and refuel stations kabilang sa ilang mga toll plazas sa CAVITEX at CALAX
- Electric vehicle charging stations at free Wi-Fi stations sa ilang mga Rest and Refuel Stations ng NLEX
- Libreng tubig ng Maynilad
Pansamantala ring sususpendihin ng MPTC ang paggawa nito ng kalsada, saradong lane, at maintainance activities sa mga nabanggit na araw.
Samantala, 2,000 traffic personnel naman ang itatalaga ng tollway corporation upang pangasiwaan at alalayan ang daloy ng trapiko sa naturang mga araw.
Inabisuhan na rin nito ang mga motorista na siguraduhin nito na naka-install nang maayos ang RFIDs ng kanilang mga sasakyan upang maiwasan ang mga delay.















