Bahagyang bumuti na ang sitwasyon sa North Luzon Expressway (NLEX), matapos na mabawasan ang mga pag-ulan.
Una rito, nagdulot ng mabigat at mabagal na daloy ng trapiko na umabot sa pitong kilometro sa magkabilang direksyon ang pagbaha sa bahagi ng NLEX sa San Simon, Pampanga nitong Lunes.
Ayon kay Robin Ignacio, Assistant Vice President para sa Traffic Operations ng NLEX Corp., dalawang linya lamang sa may San Simon Interchange at Tulaoc area ang nananatiling nadadaanan dahil umabot sa 1.5 hanggang halos 2 talampakan ang lalim ng baha sa ikatlong linya at gilid ng kalsada.
Inilaan ang pinakagitnang linya para sa mga maliliit na sasakyan o Class 1 vehicles habang sa ikalawang linya naman pinapadaan ang mga bus at trak upang mapanatili ang pag-usad ng biyahe.
Naglagay na rin ng mga sandbag at barrier ang mga tauhan ng NLEX kasabay ng tuluy-tuloy na pagsipsip sa tubig-baha upang hindi na lalong tumaas ang antas nito sa kalsada.
Mas humaba ang pila ng mga sasakyan dahil limitado ang alternatibong ruta ng mga biyahero bunsod ng mas matinding pagbaha sa iba pang bahagi ng Pampanga at Bulacan.
Bagama’t nananatili ang lalim ng tubig sa expressway mula pa noong Linggo, napansin naman ng mga awtoridad na nagsisimula nang humupa ang baha sa mga nakapalibot na lugar.
















