Naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng kanilang derektiba na magpatupad ng Real-Time Information Dissemination sa bawat regional offices na makikipag-ugnayan sa mga operators ng expressway. Ito ay upang makapagpalaganap ng timely reports sa mga sitwasyon ng bawat kalsada matapos ang naging mabagal na daloy ng trapiko sa North Luzon Expressway noong Agust 28 hanggang 31.
Ayon naman kay Acting LTFRB Chair Greg Pua Jr., inatasan niya ang bawat regional offices na makipag-coordinate sa kanikanilang local government units upang agad na malaman ang maaaring alternatibong mga ruta mula sa expressways sa oras ng mga hindi inaasahang emergencies at insidente.
Matatandaan na maraming motorista ang naipit ng mahigit dalawampung oras dahil sa traffic jam sa parte ng San Simon, North Luzon Expressway noong Agosto dulot ng Southwest Monsoon o Habagat na naging sanhi ng mga pagbaha.
Inatasan din ng pamunuan ang kanilang regional offices na mas paigtingin pa ang koordinasyon at pakikipag-ugnayan sa mga transport at trucker companies upang mas masiguro ang pagpapalaganap ng impormasyon sa mga motorista.
Sakop ng direktiba ng LTFRB offices ang Ilocos region, kung nasaan ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway. Kasama rin ang Central Luzon, kung nasaan ang Subic-Clark-Tarlac Expressway sa NLEX, pati na rin ang Metro Manila at Calabarzon, kung nasaan ang South-Luzon Expressway. Souther Tagalog Arterial Road Toll, Cavite-Laguna Expressway at Muntinlupa-Cavite Expressway.
















