Nangako ang Toll Regulatory Board (TRB) sa mga motorista na nakaranas ng malawakang pagbaha sa North Luzon Expressway (NLEX) kamakailan na maibabalik sa kanila ang siningil sa mga toll gates.
Ito ay kasunod ng pansamantalang pagsuspinde sa toll fee sa parehong northbound at southbound lane ng NLEX mula Pulilan, Bulacan hanggang San Fernando Pampanga kasunod ng pagbaha.
Paglilinaw ng TRB, ipatutupad ang backroom computation para sa mga sasakyang dumaan at dadaan sa NLEX na saklaw ng mga lugar na dumanas ng mabigat na pagbaha.
Sa isang panayam, sinabi ni TRB Spokesperson Julius Corpuz na otomatikong maibabalik sa RFID ng mga motorista ang magiging bawas sa backroom computations kung dumaan man ang mga ito sa mga natukoy na bahagi ng kalsada na dumanas ng pagbaha.
Pangunahin dito ang kahabaan ng Pulilan, Bulacan hanggang San Fernando, Pampanga kung saan umabot pa sa ilang kilometro ang haba ng traffic dahil sa malalim na baha sa mismong kalsada.
Sa mga motoristang dumaraan sa cash lane, gagamitin naman ang manual computation para sa waiver discount.
Sa kabilang banda, hiningan na umano ng paliwanag ng Department of Transportation (DOTr) ang pamunuan ng NLEX kaugnay ng matinding trapiko na naranasan sa San Simon Interchange sa gitna ng masamang panahon.
Inihayag ito ni Transportation Secretary Giovanni Lopez sa kaniyang pagharap sa House Committe on Appropriations habang tinatalakay ang pondo ng ahensiya.
Ayon pa sa kalihim, pinag-uusapan na rin ang pagpapadala ng mga weather at traffic advisory sa pamamagitan ng text message para hindi na mangyari muli ang kahalintulad na aberya.
Kung babalikan, libu-libong commuter ang naabala sa mahabang traffic sa mga nabanggit na kalsada kasunod ng pagbahang naranasan. Tumagal ng ilang oras ang biyahe ng maraming commuter na papasok at palabas sa National Capital Region patungo sa Cental Luzon.














