-- Advertisements --

Inakusahan ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang Philippine National Police (PNP) ng umano’y “double standard” sa pagpapatupad ng arrest warrants matapos arestuhin ang beteranong mamamahayag dahil sa cyberlibel, habang hindi naman agad inaresto si Vice President Sara Duterte sa kasong grave threats.

Hiniling ni Ridon sa PNP na ipaliwanag ang pagkakaiba sa pagtrato sa dalawang kaso, na kapwa bailable offenses. Aniya, dapat pantay ang pagpapatupad ng batas anuman ang personalidad na sangkot.

Inaresto 72-taong gulang na mamamhayag, noong Oktubre 24 sa bisa ng warrant mula sa korte sa Davao City at pinalaya rin nang araw na iyon matapos magpiyansa ng P48,000. Samantala, naglagak si VP Duterte ng P360,000 piyansa noong Setyembre 5, isang araw matapos maglabas ng warrant ang korte sa Quezon City kaugnay ng tatlong bilang ng grave threats. Kalaunan, binawi ng korte ang warrant.

Ayon kay Ridon, bahagi rin ito ng mga alalahanin sa umano’y pag-atake sa press freedom. Nanawagan siya sa pulisya na magpaliwanag sa Kongreso at media hinggil sa pagpapatupad ng mga warrant.