-- Advertisements --

Naitalaga bilang opisyal na Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) si Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua matapos makakuha ng 51 boto sa ginanap na halalan sa parliyamento ngayong Biyernes, Oktubre 30, 2026.

Ang makasaysayang halalang ito ang nagtatapos sa pitong taong transition governance, na nagmamarka sa pormal na paglipat mula sa itinatalagang interim authority, ang Bangsamoro Transition Authority (BTA), tungo sa isang regular at demokratikong inihalal na rehiyonal na pamahalaan, alinsunod sa Bangsamoro Organic Law (BOL) (Republic Act No. 11054).

Ang Bangsamoro Organic Law, na niratipika noong 2019, ang nagtatag sa BARMM bilang bunga ng mga dekada ng negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), na naglalayong magbigay ng mas malawak na awtonomiya at sariling pagpapasya sa mga mamamayang Bangsamoro.

Tinalo ni Macacua mula sa Bangsamoro Federalist Party (BFP) si dating interim chief minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim na nakakuha lamang ng 27 boto mula sa 80-member Bangsamoro Parliament.

Si Macacua, isang mahalagang pigura sa prosesong pangkapayapaan, ay dating chief of staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), at kumakatawan sa 3rd parliamentary district ng Maguindanao del Norte, nagsilbi rin siyang interim chief minister at acting provincial governor.

Si Ebrahim, bilang unang interim Chief Minister, ay gumanap ng mahalagang papel sa pamumuno sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) mula nang ito ay maitatag, na nangasiwa sa mga paunang yugto ng pagtatatag ng institusyon at pagpapatupad ng kasunduang pangkapayapaan.

Dumalo sa ginanap na inaugurasyon ang mga opisyal ng pambansang pamahalaan, mga gobernador, peace advocates, at mga dayuhang diplomat upang saksihan ang pormal na pag-upo ng mga regular na miyembro ng parliyamento.

Samantala, nagpatupad naman ang pulisya at militar ng heightened security sa Cotabato City para sa naturang okasyon na nagdulot ng pansamantalang limitasyon sa paggalaw at negosyo ng mga residente.