Ipinagpaliban muna ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98 ang nakatakda sanang pagbasa ng sakdal kay Vice President Sara Duterte kaugnay sa mga kasong kinakaharap.
Ayon kay Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ng ikalawang pangulo, hindi itinuloy ng korte ang pagdinig dahil sa nakabinbin pa nilang mosyon.
Pag-aaralan pa muna aniya ng hukom ang kahilingan ng kanilang kampo kaya’t minabuting kanselahin ang dapat sanang ‘arraignment’ ngayong araw.
Sa kasalukuyan, nananatiling ‘pending’ ang kanilang ‘motion for partial reconsideration ad cautelam’ sa naturang korte at ‘petition for certiorari’ naman sa Kataas-taasang Hukuman.
Magugunitang ibinasura lamang ng korte ang naunang inihaing ‘motion for inhibition’ ng bise presidente para hilingin mag-inhibit ang ‘presiding judge’ na may hawak sa kanyang mga kaso.
Matapos nito’y muling naghain ng mosyon ang kampo ng akusado upang iparekunsidera ang inilabas na desisyon ng hukom partikular sa usapin ‘inhibition’.
Paliwanag naman ng abogado na ang hukom sa korte ng Quezon City ang siyang magreresolba sa kanilang panibagong mosyon.
Habang inaantabayan pa rin ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ng bise presidente, humihiling mag-isyu ng Temporary Restraining Order kontra sa pag-usad ng kaso.
Sakali man maglabas ng kautusan ang hukuman, giit ng abogado na kailangan itong galangin ng korteng may hawak sa kaso ni Vice President Duterte.
Kinakaharap ng ikalawang pangulo ang tatlong bilang ng kasong ‘grave threats’ kaugnay sa pagbabantang binitawan sa buhay nina Pres. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, first lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
















